Mar 2, 2013

#10. Jose

Jose,

Sa totoo lang, ikaw ang nagpatunay sa akin na hindi palaging totoo na first love never dies. Hindi naman kasi ikaw ang first love ko, ikaw yung pangalawa, pero sa lahat ng mga minahal ko, ikaw ang pinakaminahal ko at ikaw ang nagpaikot ng mundo ko.


Nagkakilala tayo sa Friendster (sumalangit nawa ang kaluluwa ng Friendster). Ang classic natin, 'di ba?  Mga June 2003 yata noon. Hindi ko na maalala paano mo ako nahanap kasi ang drama ko noon sa Friendster, binubura ko lahat ng friends ko, puro testimonials lang itinitira ko. Nagfi-feeling celebrity kasi ako. Minessage mo ata ako kung gusto ko umattend ng isang poetry reading sa Malate. Hindi ko na din maalala paano mo nalaman na mahilig ako sa poetry. Naisulat ko yata sa about me section. Never naman ako sumipot pero nagpalitan tayo ng cellphone numbers.

Noong mga panahong iyon, pareho pa tayong college students. 16 years old ako sa isang university sa U-Belt. Ikaw taga DLSU Manila. First year ako, ikaw parang fourth year na yata kasi trimestral kayo. So kahit parang two years lang ang tanda natin, ang aga mo ga-graduate. Naexcite pa nga tayo pareho kasi lilipat ako dapat ng DLSU kasi ayoko na ng biology. Biology din course mo noon. Pareho tayong magdodoktor dapat. Unfortunately, hindi ako pumasa sa entrance exam, so na-stuck ako sa U-Belt. 

Nag decide tayo na mag meet ng December 2003. Hindi ako sumipot. Basta nalang ako nawala. hindi na ako nagreply sa text at tawag mo. Ang totoong dahilan ay may naka-chorva ako na nameet ko sa isang gay dating site na wala na ngayon. So naging kami ni Rob mga November palang. (ikukuwento ko din ito sa isa pang entry.) 

Iniwan din ako ni Rob mga April 2004. Nakarma ata ako. Pumunta ng Amerika si gago. Hayup na yun, ang masakit pa, alam naman pala niya na as early as July 2003 na pupunta siya ng Amerika at maninirahan sa Visayas after 2-3 years. Para akong mahihibang nun, sa totoo lang. Bagong salta ako sa NCR, kakaunti palang kaibigan ko, 17 years old palang ako, sobrang sakit ng maiwanan ng taong mahal mo.

Wala naman akong choice kundi mag move on. Amerika kaya pupuntahan ni Rob! Eh that time may 10-year multiple entry VISA ako sa USA, naisip ko pang sumunod at mag TNT. Nakakaloka talaga. Tapos sinabayan pa ng Entrance exam result sa DLSU ito na bumagsak nga ako. Eh gustong gusto ko talaga makapasok sa DLSU, hindi ko maintindihan bakit ba ako sa U-belt pumasok, may pambayad naman kami sa DLSU. Hanggang sa naisip kita kontakin ulit. So para akong nabuhay mula sa pagkakahimlay.

Noon tinanong mo ako anong nangyare, hindi ko na maalala anong excuse sinabi ko, pero masyado kang mabait at di ka naman nagalit. Sa totoo lang, wala naman tayong liability sa isa't isa eh. Ang pangit lang tingnan na di ako sumipot sa usapan nung December 2003.

Napagpasiyahan nating mag meet, finally, sa June 2004. Actually, ako ang nangulit ng nangulit. Ayaw mo na kasi sabi mo may idini-date ka nang iba. Yung mokong na Patrick na yun. Ayoko manlait, pero sa totoo lang, kahit kanino mo itanong, parang pinagsamantalahan ka lang nung hayup na yun. Pumayag ka naman makipagkita sa Glorietta, pero eto ang catch, kasama si Patrick! Nakakaloka talaga!!! Eh crush na kita ulit nung mga panahon na yun, tapos nakaka challenge pa na tinatanggihan mo ko, tapos vulnerable ako kasi nga iniwan ako ni Rob. So pumayag ako. Parang pinahirapan ko lang sarili ko. Nanunood tayo ng Dawn of the Dead sa Alabang Town Center. 

At yun ang first date natin. Kasama yung date mo.

At dahil nga makulit ako, at hindi ako papatalo, talagang niligawan kita! Sumulat ako ng love letters sa iyo, mga tula na tila ba ay maihihilera sa Florante Y Laura. Ang strategy ko ay i-talk you out of your relationship with Patrick muna, tapos saka ako eeksena. Gumana naman. Hanggang naging tayo noong July.

Naaalala mo pa ba yung sinabi mo sakin?:

"You're not the one I like, but I want you."

Naguguluhan pa din ako hanggang ngayon kasi paano mo magugustuhan ang isang bagay o tao na hindi mo gusto? Lost in translation lang ba ako? Pero hindi eh, talagang parang ang gulo?

So naging tayo nga nung July. Kakagraduate mo lang noon, at kakastart lang ng 1st semester ko sa university. Nagpaalam ka na pupunta ka sa Tarlac with Patrick. Siyempre nag hysteria ako, pero wala akong nagawa, sumama ka din. Bwisit ka talaga! Pagkatapos noong gabing yun din, umuwi ka at umamin ka na nagsex kayo ni Patrick. Ang galing mo nga tumayming eh. Nasa Jollibee Tayuman tayo noon. Siyempre, nagmistulang shooting na naman ako ng MMK. First time ko umiyak sa public place.

Sabi mo, dahil sa nangyari, napagtanto mong mahal na mahal mo ako. Siyempre naman ako, nagtatalo na ang isip ko kung ano ba talaga. Ang sakit sakit sakit SAKIT kaya nung ginawa mo. Pero at least, inamin mo 'di ba? Pagkatapos mo ako suyuin, nagpagdesisyunang magiging tayo pa din. July 29 2004 naging tayo.

Maayos na sana eh, pero ang nangyare, nagkaroon ako ng trust issues sa iyo. Sobrang naging possessive ko, yung tipong pag magkikita tayo kakalkalin ko yung 3310 na Nokia phone mo. Gusto ko alam ko yung mga password mo sa Friendster at email. Lagi natin pinagaawayan, pero nakukuha ko gusto ko. Pag di ka sumagot sa text at tawag ko ng kahit 5 minutes, nagbubunganga na ako. Sa totoo lang, looking back at myself then, kahit ako naloloka sa sarili ko! Literal na parang psycho ako!

Hanggang sa napagod ka at nag cool off tayo ng December 2004. Para na naman ako mahihibang! Ano ba naman yan, hindi na nakabuo ng isang taon na walang aberya! Hanggang sa may nakilala na naman ako sa Friendster, si Damien (again, seperate entry nalang siya.). Di naman nagtagal si Damien, palipas oras lang ang nangyare. Hanggang sa nagkabalikan tayo some time in January 2005. Happy pepe na naman ako. Pero Sobrang possessive ko pa din. Alam ko na you did your best, pero talagang ang selfish ko eh. Imagine, taga Paranaque ka at nasa Tayuman ako. Sinusundo mo pa ako doon gamit yung bump car mo, tapos nagagalit ako pag pinagbibiyahe mo ako para pumunta ng Glorietta pag may date tayo. Nasisigawan pa kita pag nalelate ka. Minsan hindi ka na nagdadala ng sasakyan kasi wala namang parking dun sa lugar namin noon eh. Pero talagang sinusundo mo pa din ako...

At dahil nga nag sisimula ka na mag trabaho noon at nag aaral pa lang ako, atsaka ang layo ng Tayuman sa Paranaque, may diary pa tayo na communal, naaalala mo? Ang rule sa diary is magsusulat ng entries araw araw hangga't nasa kanya. Pagkatapos kapag nagkita tayo, magpapalit tayo ng diary at dun naman tayo mag uupdate. Ang dami nating mga drama noon. Eto yung mga talagang masasabi kong Romance. Ito yung talaga puro at walang bahid na kabastusan. Naaalala ko pa na inattempt mo na i-penetrate ako ng walang condom, pero sobrang sakit hindi natuloy. Sobrang na praning ako nag pa test ako buwan buwan yata for three months kasi yun ang window period. Negative naman. Naaalala ko sabi mo sa diary natin, kahit may AIDS ako, mamahalin mo ako.

Sinubukan naman natin maging masaya. Naalala mo ba nahuli pa tayo ng pulis sa Makati kasi nagsex tayo sa kotse mo? 19yo ka noon, 17yo ako. Technically, hindi tayo nahuli sa akto. Tapos na tayo noon, pero naka bukas pa yung mga zipper at butones ng pantalon natin. Ayun, naflashlightan tayo, tapos dinala tayo sa presinto. Hinuthutan lang tayo ng mga pulis, kinuha yung cellphone ko na worth 25,000Php. Sinumbong natin sa nanay mo, at binalikan natin. Ang press release natin magka barkada lang tayo. Hindi ka pa kasi out sa inyo noon eh, 2009 ka ba nag out? Bumenta naman kay tita, at galit na galit siya kasi napag tripan daw tayo. In the end nakuha ko ang cellphone ko.

Nagbreak din tayo for good noong April 2005. Siyempre, halos mabaliw na naman ako. Pero this time, mukhang seryoso ka na talaga. Never ka naman nagsinungaling sa akin. Na-trauma lang talaga ko dun sa nangyare kay Patrick. So this time nung tinanong kita bakit ka nakikipagbreak, ang sabi mo, sawa ka na, at may nakilala ka nang iba from work. Tumambling ako. At tumambling pa ako ulit kasi yung pinalit mo sa akin ay may asawa at anak. Wala na akong nagawa.

Tatlong lalaki lang ang nakatalik ko bago pa naging tayo, pero kasi mga naging fling ko naman ang mga yun, at minahal ko din naman. Monogamous talaga ako ever since. Pero Noong nag break tayo, doon ako nagsimulang magloko. Dito ko nagsimulang magkaroon ng Guys4men, makipag sex sa kung sino sino. Siguro iyon ang naging coping mecahanism ko.

Nagkaroon ako ng boyfriend ulit noong 2005, si Ronnie. Pero iniwan ko lang din kasi mahal pa kita. Alam mo namang inabot ako ng tatlong taon bago ako naka move-on sa iyo completely. Kumbaga sa kanser, I was declared cancer free only noong 2007. Siyempre within those three years, sobrang landi ko. Pero hindi pa ako within that time na-infect. Parang alam ko ko naman saan ko nakuwa tong HIV eh (saka na ulit 'to.)

Niligawan mo ako ulit noong 2009 hanggang 2010, pero walang nangyare. Cold-hearted na ako. Wala na akong nararamdaman sa iyo, pero I still cared for you. I guess I always will naman. May Boyfriend ka na noon, pero sabi mo gusto mo pa talaga ako. Pero wala na talaga eh.

Noong bumisita ako sa inyo noong 2010, ipinakilala mo ako sa mom mo. Kilala naman ako ng nanay mo eh, especially dahil dun sa Makati incident, hindi ko lang alam if naaalala niya pa ako.

Ito yung sinabi mo:

"Ma, Si Eugene, remember him? ex-boyfriend ko."

Napangiti lang ako. Medyo nangilid ang luha sa mga mata ko. Parang may kumurot sa puso ko.


Take care, Jose,

Eu










No comments:

Post a Comment