Mar 28, 2013

#22. Melankoliya

Masaya na tayo sa ganito,
Sa magkabilang dulo ng kama,
Yung ulo mo, sa may aking mga paa,
Anong tawag 'dun?

Vice- versa.



Habang ang langit nagpapalit kulay
Mula sa bughaw patungong kahel,
Lilipas na naman ang isang araw,
Kaibahan lang nito, magkasama tayo ngayon.
Kung tutuusin, halos sampung taon na natin ito ginagawa
Ito ang "simple joys" ng buhay natin,
Ang ideal gimik, kumbaga.
Kaunting chismis, kaunting chika,
At madaming makahulugang katahimikan sa gitna.
Kaunting musika,
Kaunting ruffa gutierrez,
Kaunting victor basa,
Mangangarap saglit,
Aasa sa pag-asa.

Mananahimik ng muli,
Ipipinid ang mga mata,
Aawit ng bahagya, 
Kadalasan, sa saliw ng marubdob na musika.
Iniisip natin madalas,
Hanggang kailan nga ba ganito?
Sumobrang babaw ng kaligayahan natin,
Kuntento na tayo dito.

Pipihit patagilid,
magpapalit ng posisyon,
Ako naman sa kabila, 
ikaw naman dito,
Tatayo, uupo, tatagilid, magtititigan,
Minsanang iindak, 
ngunit ang mas madalas,
Gusto natin mag-iyakan.
Subalit pareho tayong pusong bato,
Hanggang salita lang tayo,
Na nakakaiyak iyon, nakakaiyak ito.

At kung tutuusin nga, sa totoo lang,
Paulit ulit na
Yung mga pinaguusapan natin, 
napaglipasan na,
Ngunit tila ba hindi naluluma?
Ang mga istu-isturya na nanlalabo na sa isip natin,
Tungkol kina Makoy, Madam, Marion, at Alvin.
Puro pagbabalik-tanaw tayo sa makulay na nakaraan,
Lahat naka move-on na, 
tayo nalang ang napag iwanan.

Tatawa ng saglit, iikot, 
pipihit,Mamamahinga ng saglit, 
aawit sa malungkot na himig,
At muli't muli, kapag nagkaubusan na,
Babalik tayo kung saan tayo magaling...

Muli lang tayo mananahimik...

No comments:

Post a Comment